PBBM, DICT papasyahan ngayong araw ang SIM registration extension
Makikipagpulong kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang liderato ng Department of Information and Communications Technology (DICT) para talakayin ang posibleng extension sa SIM registration deadline.
Bagama’t maraming isyung tatalakayin ang liderato ng DICT sa Pangulo, pangunahin sa agenda ang ukol sa SIM registration lalo’t bukas na ang deadline.
Anumang oras ngayong araw ibababa ang desisyon kung magkakaroon ng extension o hindi sa SIM registration.
Sakaling hindi mapagtibay, lahat ng SIM cards na hindi na-rehistro ay ide-deactivate ang kanilang subscription at mangangahulugan na hindi na magagamit ang mga telepono sa pagtawag at text messaging, at maging ang mga application ay hindi na rin ma-a-access.
Nitong Lunes, April 24, ay pinulong ng DICT ang mga kaukulang ahensya kasama ang mga telco operators.
Isinusulong ng mga Telco ang extension dahil sa mababa kaysa inaasahang turnout ng SIM registration dahil sa kawalan ng valid IDs ng mga subscribers na isa sa pangunahing requirements para sa SIM registration.
Weng dela Fuente