PBBM dinumog ng OFWs sa sorpresang bisita sa mall sa Singapore
Dinumog ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Singapore si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Bago bumalik sa bansa mula sa Singapore, sorpresang binisita ni Pangulong Marcos ang Lucky Plaza Mall, sa Orchard Road, na kilalang tambayan ng mga manggagawang Filipino sa bansa.
Tanghali nitong Linggo nang dumating ang Pangulo sa mall para batiin ang mga OFWs na nagtitipon sa kilalang mall.
Hindi naman napigil ng mga Filipino workers ang kanilang kasiyahan at kagustuhang makaharap ang Pangulo sa pagbibigay ng panahon na mabisita sila.
Ipinarating din nila ang patuloy na suporta sa administrasyon at sa patuloy na pagbabagong nagaganap sa Pilipinas
Karaniwang kasama sa schedule ng Pangulo ang pakikipagkita sa mga OFWs sa tuwing bumibisita sa ibang bansa.
Sa kaniya namang social media post, ipinarating ni Pangulong Marcos ang pasasalamat sa pagmamahal at suporta ng mga OFWs.
“Para kumpleto ang ating work visit sa Singapore, sinorpresa natin ang ating mga kababayan sa Lucky Plaza! Maraming salamat sa inyong walang-sawang pagmamahal at suporta,” pahayag ng Pangulo sa kaniyang post.
Ginawa ni PBBM ang sorpresang pagdalaw sa mga OFWs sa sidelines ng kaniyag opisyal na bisita sa Singapore, kung saan siya inanyayahang dumalo at magsalita sa 10th Asia Summit ng Milken Institution.
Weng del aFuente