PBBM, Duterte nagpulong sa Malacañang

Personal na bumisita kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Malacañang kagabi, August 2, si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Sa ulat ng Presidential Communications Office (PCO), dumating sa Palasyo si Duterte para talakayin kay Pangulong Marcos ang naging pakikipagpulong niya kay Chinese President Xi Jinping sa China, ilang linggo na ang nakakaraan.

Sinabi ng Palasyo na may mga iba pang napag-usapan ang dalawang lider.

“They also discussed other issues. The former President likewise gave some good pieces of advise to President Marcos,” pahayag ng PCO.

Inilabas din ng PCO ang video at mga larawan sa pagkikita ng dalawang lider.

Kasama ni Pangulong Marcos na sumalubong kay Duterte sa Malacañang sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Special Assistant to the President Anton Lagdameo, Defense Secretary Gilbert ‘Gibo’ Teodoro at Presidential Communications Office Secretary Cheloy Garafil.

Naroon din si Solicitor General Menardo Guevarra na nagsilbing justice secretary sa ilalim ni Duterte, gayundin sina dating Executive Secretary Salvador Medialdea at Senador Christopher ‘Bong’ Go na umakto ring Special Assistant to the President ng nakaraang administrasyon.

July 17 nanganap ang pagpupulong nina Duterte at President Xi sa Beijing, ilang araw matapos ang paggunita sa ika-pitong taon ng arbitral ruling na nagtaguyod sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) at nag-isantabi sa nine-dash-line claim ng China sa teritoryo.

Gayunman, hanggang ngayon ay hindi pa rin kinikilala ng China ang nasabing desisyon ng Arbitral Court sa The Hague, Netherlands.

Sa ulat ng Chinese media, hiniling ni Xi ang tulong ni Duterte para ipagpatuloy na isulong ang kooperasyon sa pagitan ng dalawang bansa.

Bagama’t sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na wala silang impormasyon sa naging byahe ni Duterte sa Beijing, welcome naman ito kay Pangulong Marcos.

Sa isang ambush interview kaugnay ng isyu, sinabi ni Marcos na itinuturing niyang panibagong linya ng komunikasyon ang ginawang pakikipag-usap ni President Xi kay dating Pangulong Duterte.

Weng dela Fuente

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *