PBBM hinikayat ang mga opisyal ng gobyerno at kabataang lider na gawing inspirasyon si ‘Apo Lakay’
Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga opisyal ng gobyerno at mga kabaaang lider na gawing inspirasyon ang kaniyang ama na si dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos Sr. para higit na magkaroon ng mahalagang papel sa lipunan.
Ginawa ng Pangulo ang panawagan sa kaniyang panguguna sa seremonya sa Batac, Ilocos Norte para gunitain ang ika-106 na kaarawan ng dating Pangulo.
Sa kaniyang talumpati, inamin ng Pangulo na nakakataba sa puso na gunitain ang buhay ng kaniyang ama na nag-iwan ng mayamang pamana sa bansa.
“For the peace and order that he fought and stood for, the development that he inspired our own citizens to build, and the dreams that he left in the hearts of many, he remains a true Filipino and Ilocano icon, whose exceptional mind matched the nation-loving spirit that he possessed and that he demonstrated,” pahayag ni Pangulong Marcos Jr.
Bilang paggunita, sinabi ng Chief Executive na ang mga susunod na hakbang ay dapat nakatuon sa hangaring na ma-preserba at maibahagi ang mayamang pamana ng lalawigan at ng bansa.
“To the young leaders and government officals, it is my earnest hope that my late father’s values, ideals and visions for the country will spur you into aspiring for greater roles and more meaningful endeavors, much like how these have inspired me,” dagdag pa ng Pangulo.
Naniniwala naman ang Pangulo na hindi kailangang magsagawa pa ng mga seremonya at parade para sa kaniyang ama, na kilala rin bilang Apo Lakay o “Respected Leader” sa Ilocano.
Sa halip nanawagan siya sa publiko na suportahan ang gobyerno at ang buong sambayanang Filipino para itanim ang sense of ownership at accountability sa pagbuo ng bansa.
Bahagi ng seremonya ang pag-a-alay ng bulaklak sa monumento ng dating Pangulo kasama sina Ilocos Norte Governor Matthew Marcos at Armed Forces Chief of Staff Gen. Romeo Brawner.
Kasama din ng Pangulo na nanguna sa aktibidad ang kaniyang pamilya, kabilang sina First Lady Lisa Araneta Marcos, Congressman Sandro Marcos at Simon Marcos.
Sinaksihan din ng Pangulo at ng First Family ang Natnateng Cook-Off Showdown na nilahukan ng mga munisipyo ng lalawigan para itampok ang mga local vegetable dishes at delicacies ng Ilocos Norte.
Idineklara ni Marcos ang Sept. 11 bilang special non-working day sa lalawigan ng Ilocos Norte bilang paggunita sa ika-106 kaarawan ng kaniyang ama, sa pamamagitan ng Proclamation No. 327 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong August 23.
Weng dela Fuente