PBBM, hinikayat na personal na pangunahan ang DA para masolusyunan ang problema sa sektor ng Agrikultura
Naniniwala si AGAP Partylist Representative Nicanor Briones na mareresolba ang malaking problema sa sektor ng agrikultura kung si President elect Bongbong Marcos na muna ang mangunguna sa Department of Agriculture pag-upo nito sa pwesto.
Giit ni Briones, tiyak kasing kahit mga smuggler ay matatakot kapag si PBBM ang nakaupo sa DA.
Pagkatapos nito, saka nalang aniya mamili ng susunod na magiging kalihim ng DA si Marcos.
Kung tutuusin ayon kay Briones, hindi lang naman ang mataas na presyo ng produktong petrolyo ang dahilan ng nagtataasang presyo ng Agricultural products sa bansa dahil sa kulang na suplay sa merkado na hindi naman nasolusyunan ng importasyon na maituturing aniyang band aid solution lamang.
Ang kailangan aniya, maputol na ang talamak na smuggling ng produktong agrikultura sa bansa at itama ang panahon para sa importasyon para hindi naman mawalan ng kabuhayan ang mga magsasaka at mangingisda.
Kumpiyansa si Briones na sa pagpasok ng Marcos administration ay magbabago ang lahat lalo na at sinasabi aniya ni PbBM na kasama sa prayoridad nito ang sektor ng agrikultura.
Iminungkahi rin nito na itaas sa 150 bilyon ang pondo para sa agriculture sector mula sa kasalukuyang 75 bilyon lamang.
Pinuna rin nito ang dole out program ng gobyerno na sa halip na ayudahan ang mga magsasaka at mangingisda ay kulang na kulang sa suporta.
Madelyn Villar – Moratillo