PBBM, hiniling sa Kongreso na magkaroon ng stimulus package para makabangon sa Pandemya ang bansa
Nais ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magpasa ng batas para sa stimulus package ang susunod na Kongreso.
Ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, isa ito sa mga inilatag ng bagong Pangulo sa kanilang pulong kasama ang mga lider ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Kailangan aniya ang stimulus package para sa mga kababayan nating hindi pa nakababangon sa hagupit ng Pandemya ng Covid-19.
Gayunman, sinabi ni Zubiri na walang ipapasang anumang batas para sa bagong pagbubuwis.
Sa halip nais aniya ng bagong Pangulo na tingnan ang mga umiiral na batas lalo na sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Immigration and Deportation (BID) para matigil na ang korapsyon.
Sa ganitong paraan rin makapangangalap ng dagdag na pondo ang pamahalaan para tustusan ang mga bagong programa.
Pero hihintayin pa rin aniya ni Marcos ang rekomendasyon ng kaniyang binuong economic team.
Meanne Corvera