PBBM humarap sa FilCom sa Washington
Nakipagkita sa Filipino Community sa Washington D.C. si Pangulong Ferdinand Marcos kasama ang bumubuo sa Philippine delegation.
Ginawa nang Pangulo ang pagharap sa Filipino Community kasunod ng kaniyang bilateral meeting kay US President Joe Biden sa Oval Office ng White House.
Sa Ritz Carlton Hotel Ballroom mainit na sinalubong ang Pangulo ng Filipino-Americans mula sa DC. Maryland, Virginia at maging mula sa malayong timog ng North Carolina hanggang sa hilaga ng Manitoba, Canada.
Sa kaniyang talumpati, muling binigyang-diin ni Pangulong Marcos na isa sa priyoridad ng kaniyang administration ang proteksyon sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
“We are strongly committed to pursue the third pillar of our foreign policy, which is assistance to Filipino nationals,” pahayag ni Pangulong Marcos sa kaniyang talumpati sa harap ng Filipino Community.
“Isa po sa mga hakbang na ating ipinapatupad ang pagtaguyod sa Department of Migrant Workers (DMW) na pinangungunahan po ng ating kalihim, Sec. Toots Ople ng DMW. Ang layunin po nito ay pagsamahin at palakasin ang lahat ng ahensya ng gobyerno na may mandatong protektahan at isulong ang karapatan at kapakanan ng ating mga kababayan dito sa Amerika, Carribean at saan mang sulok ng daigdig,” dagdag na pahayag ni Pang. Marcos.
Iniulat ng Pangulo sa mga kababayang Filipino ang layunin ng kaniyang pagbisita sa Washington para sa pagpapalakas ng seguridad, depensa, at ekonomiya, gayundin ng kultura at people-to-people ties sa pagitang ng Pilipinas at Estados Unidos.
Binigyang-diin ng Pangulo na ang sakripisyo at tagumpay ng mga Pilipino sa Estados Unidos ay lalo niyang ipinagmamalaki bilang Pangulo.
Aniya, ang sakripisyo at tagumpay ng mga Pilipino sa Estados Unidos ay lalo niyang ipinagmamalaki bilang pangulo.
“You are valued members now of American society, your success here has made us very proud back home. I take pride in being your elected President. But more than anything I am honored to stand before you and say, Filipino ako,” mariing mensahe pa ng Pangulo.
Nagpasalamat din ang Pangulo sa mga OFW sa pagpapanatiling masigla ng ekonomiya ng bansa noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic sa pamamagitan ng kanilang remittances, at pagtulong sa mga kababayang nangangailangan sa tuwing panahon ng kalamidad.
Sinabi ng Pangulo, ipinagmamalaki niya ang mataas na pagkilala sa mga manggagawang Filipino saan mang panig ng mundo.
“Noon man hanggang ngayon ay kayo po ay kilala sa inyong sipag, tiyaga at galling. Nakatataba ng pusong marinig na ang taas ng tingin sa mga Pilipino sa buong mundo dahil sa inyong husay,” dagdag na pahayag ng Pangulo.
Nanawagan din ang Pangulo sa mga Fil-Ams na maging katuwang ng kaniyang administrasyon para i-promote ang turismo na magbibigay kabuhayan sa Pilipinas.
HInikayat din niya ang mga ito na mag-imbita pa ng mga kakilala, kaibigan at mga kamag-anak na bumisita sa Pilipinas para makita ang yaman ng kultura at kasaysayan nito.
“Kayo po ay napakalaking bahagi ng nagpapatibay ng pundasyon ng ating relasyon sa Amerika. Dahil po rito, makaka-asa po kayo sa suporta at tulong ng gobyerno bilang pasasalamat sa inyong sakripisyo para sa pamilya ninyo at sa ating bansa,” pagwawakas na mensahe ni Pang. Marcos.
Kasama ng Pangulo sa pagharap sa Filipino community sina First Lady Lisa Areneta-Marcos, mga miyembro ng Gabinete at iba pang bumubuo sa Philippine delegation.
Rocelle Feria/Weng dela Fuente