PBBM ikokonsidera ang pagbuhay sa PhilSuCor
Ikinukonsidera ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na muling buhayin ang Philippine Sugar Corporation (PhilSuCor).
Ang PhilSuCor ay ahensya ng gobyerno na sumusuporta para pondohan ang mga kooperatiba o asosasyon ng mga magsasaka ng tubo.
Sa isang video message na inilabas ng Presidential Communications Office (PCO), sinabi ng Pangulo na isa ang pagbuhay sa PhilSuCor sa mga suhestyong nabuo sa isinagawang pulong sa Malacañang kasama ang mga stakeholders sa sugar industry.
“One of the suggestions that came up during the meeting was to revitalize PhilSuCor. PhilSuCor is Philippine Sugar Corporation. It provides financing for farmers especially for cooperatives and farmers’ association, ‘yung mga tinatawag na block. Ngayon hindi sila masyadong nakakapagtrabaho dahil they tried to abolish the PhilSuCor,” paliwanag ni Pangulong Marcos.
“I think ngunit hindi na-abolish kaya bubuhayin natin, at babaguhin natin titingnan natin kung ano yung mga pagbabago para makapag-adjust tayo dito sa sitwasyon natin ngayon and continue their work in providing assistance sa ating mga farmers, sa ating mga farmers group,” dagdag na pahayag ng Pangulo.
Nabuo ang PhilSuCor sa pamamagitan ng Presidential Decree no. 1890 noong 1983 para pondohan ang pagbili, rehabilitasyon at pagpapalawak sa sugar mills, refineries at iba pang pasilidad para rito.
Gayunman, ipinabuwag noong October 2018 ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang ahensya dahil sa overlapping functions nito sa Sugar Regulatory Administration (SRA).
Nailatag din at pinagkasunduan sa stakeholders meeting ang schedule para sa inaprubahang pag-a-angkat ng 150,000 metric tons (MT) ng asukal at kung paano ito bubuksan sa lahat ng traders.
“We agreed on an importation schedule and how we will open up the importation to all of the traders bahala na silang mag-bid o magbigay ng kanilang ga proposal at yon ang malaking pinagbago natin,” paliwanag pa ni Pangulong Marcos.
Natalakay din sa pagpupulong ang mga plano pa para patatagin ang local sugar industry, gayundin ang pagtukoy sa mga sugar lands upang dagdagan ang lawak ng sasakahan nito sa layuning pataasin ang produksyon.
Weng dela Fuente