PBBM inatasan na ang DENR na madaliin ang pagtulong sa oil spill response sa Mindoro
Pinakikilos na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Environment and Natural Resources para sa paghahatid ng agarang tulong sa ginagawang clean-up operations sa mga lugar na apektado ng oil spill mula sa lumubog na MT Princess Empress.
Sa pulong sa Malakanyang, sinabi naman ni Environment Secretary Antonia Loyzaga na nakikipag-ugnayan na sila sa mga apektadong lokal na pamahalaan at may-ari ng MT Princess Empress.
Ang embahada ng Estados Unidos, nag-alok na rin ng tulong sa clean up drive.
Bukod pa ito sa Japan at South Korea na nagpasabi na rin na tutulong sa kontrol ng oil spill.
Ang Department of Social Welfare and Development, sa atas ng Pangulo ay may cash-for-work program para sa mga apektadong residente at mangingisda.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, kabilang sa kanilang target matulungan ay mga apektadong residente sa mga bayan ng Bansud, Bongabong, Bulalacao, Gloria, Naujan, Pinamalayan, Pola at Roxas sa Oriental Mindoro; Caluya sa Antique at Agutaya sa Palawan.
Nabatid na aabot umano sa P60 milyon ang ilalaang pondo para sa cash-for-work program.
Madelyn Villar-Moratillo