PBBM nakabalik na sa bansa mula sa 1 day visit sa UAE
Nakauwi na sa bansa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.mula sa kaniyang working visit sa United Arab Emirates.
Sa kaniyang Arrival video statement ay sinabi ng Pangulo na bagaman maigsi lang ang kaniyang working visit sa UAE ay naging mabunga at makabuluhan ito.
Aniya, ginawa ang working visit bilang paggunita sa 50 taon nang napakalakas na bilateral relations sa pagitan ng dalawang bansa.
Binigyang diin pa ng Pangulo na sa maikling pagbisitang ito ay muling pinagtibay ang pangako ng Pilipinas na higit pang palakasin ang bilateral ties sa UAE patungo sa mga bagong larangan ng pakikipag-ugnayan.
Umaasa naman ang Pangulo sa matagumpay na implementasyon ng mga kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at UAE sa ibat ibang larangan.
Kabilang na rito ang culture, energy transition, legal cooperation, artificial intelligence and digital economy, visa waiver para sa holders ng diplomatic, special, at official passports, maging sa investment cooperation.
Pinasalamantan din ng Pangulo ang UAE government sa magandang pakikitungo at pagpapahalaga sa filipino community doon.
Nauna ng pinuri ni UAE Vice President at Prime Minister Sheikh Mohammed Bin Rashid Al Maktoum ang filipino community sa kanilang napakahalagang kontribusyon sa kanilang bansa.
Nagpaabot din ng pasasalamat ang Pangulo sa patuloy na humanitarian assistance ng UAE government para sa mga biktima ng mga kalamidad.
Eden Santos