PBBM nanawagan sa mga ahensiya ng gobyerno na magtakda ng standard sa energy conservation
Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa mga ahensiya ng gobyerno na magtakda ng standard sa energy conservation, at hinimok din ang publiko na magtipid sa kuryente.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag makaraang i-anunsiyo ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na ang Luzon at Visayas power grids ay isinailalim sa red at yellow alerts.
Ayon sa NGCP, ang red alert ay itinaas sa Luzon grid mula alas-2:00 hanggang alas-4:00 ng hapon at mula ala-6:00 hanggang alas-9:00 ng gabi.
Itinaas naman ang yellow alert simula ala-1:00 hanggang alas-2:00 ng hapon, alas-4:00 ng hapon hanggang ala-6:00 ng gabi at mula alas-9:00 hanggang alas-11:00 ng gabi.
Kapareho ring yellow alert ang itinaas sa Visayas grid mula alas-2:00 hanggang alas-4:00 ng hapon at mula ala-6:00 hanggang alas-7:00 ng gabi.
Ang red alert ay itinataas kapag ang suplay ng kuryente ay hindi sapat upang matugunan ang pangangailangan ng consumer at ang kinakailangan sa pagsasa-ayos ng transmission grid.
Samantala, ang isang yellow alert ay itinataas kapag ang operating margin ay hindi sapat upang matugunan ang kinakailangan sa contingency ng transmission grid.
Ayon sa Pangulo, inatasan na niya ang Department of Energy (DOE) upang mahigpit na magbantay at makipag-ugnayan sa lahat ng stakeholders upang matugunan ang sitwasyon sa suplay ng kuryente.
Aniya, “At this time, it is crucial that we all work together to ensure a stable power supply for the next couple of days. Let’s adopt energy-efficient practices and stand together to overcome this challenge.”