PBBM pinag-iingat sa pagpili ng susunod na PNP Chief
Pinag-iingat ni Philippine National Police (PNP) Chief General Rodolfo Azurin Jr. si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagpili ng susunod na hepe ng pulisya sa harap ng lumalawak na galamay ng sindikato ng ilegal na droga.
Pinag-iingat ni Philippine National Police (PNP) Chief General Rodolfo Azurin Jr. si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagpili ng susunod na hepe ng pulisya sa harap ng lumalawak na galamay ng sindikato ng ilegal na droga.
Sa Lunes, Abril 24, nakatakdang magretiro si Azurin sa pagsapit niya sa mandatory age of retirement na 56 years old.
“I want to forewarn the President because it’s very critical for him to choose a chief PNP na papalit sa akin,” paliwanag ni Azurin.
Ginawa ni Azurin ang babala sa gitna ng kontrobersya na hinaharap ng PNP ukol sa illegal na droga at ang lumalawak umanong galamay ng sindikato.
Hanap daw ng mga ito ang isang PNP chief na papaya magpatuloy ang kanilang illegal na operasyon.
“Nothing more, nothing less. Self-preservation dahil gusto nga nilang lagyan ng malice yung imbestigasyon ng SITG 990,” pahayag ni Azurin.
“Yun lang yun, kaya nga sabi ko they are looking for a chief PNP na magiging business as usual,” diin pa ng PNP chief.
Sinu-sino nga ba sa hanay ng mga opisyal ng pnp ang mga kandidato bilang susunod na hepe ng pnp.
Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo “ang usual na mga kandidato diyan yung mga susunod na miyembro ng command group dahil sila yung mga most senior na officers.”
“However, alam din natin na may mga records would indicate na merong mga na-a-appoint outside of the PNP command group at gaya nga ng nasabi ko ibigay natin yang authority and discretion sa ating Pangulo,” dagdag pa ni Fajardo.
Kasama sa myembro ng command group ang no. 2 man ng PNP at kasalukuyang deputy chief for operations na si PLtGen. Rhodel Sermonia
Si Sermonia ay ka-mistah ni Gen Azurin sa Philippine Military Academy (PMA) Makatao Class of 1989 at nakatakdang magretiro sa Enero 2024.
Sunod sa listahan si PMGen. Jonnel Estomo ang no. 3 man o deputy chief for operations ng PNP.
Si Estomo ay dating hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at nagtapos sa PMA Tanglaw-Diwa Class of 1992, at magre-retiro sa Nobyembre 2024.
Kandidato rin ang chief for directorial staff na si PLtGen. Michael John Dubria ng PMA ‘Sambisig’ class of 1991.
Si Dubria ay naging hepe ng civil security group, directorate for intelligence, at police regional office (PRO) 12
Mayroon pa syang 1-taon at 8-buwan sa serbisyo bago magretiro sa December 2024.
Sa ilalim ng batas maaring mamili ang Pangulo mula sa mga one-star general pataas.
Kaya bukod sa command group lumulutang din ang pangalan ng iba pang opisyal gaya nina D.I Director PMGen. Benjie Acorda, DIDM Director PMGen. Eliseo Cruz at PBGen. Melencio Nartatez na kasalukuyang hepe ng Police Regional Office (PRO) 4A na sinasabing malapit din sa Pangulo.
Sabi ni Azurin “ang ire-recommend ko nga yung mas mahigpit pa sa akin eh dahil nagle-level up tayo.”
“Hindi natin kailangan yung wala siyang prinsipyo, wala siyang commitment sa Presidente,” dagdag ni Azurin.
Aminado naman ang PNP na malaking hamon ang naghihintay sa itatalagang bagong hepe ng pambansang pulisya.
Sinabi ni Col. Fajardo “kung sino ang ma-appoint na chief pnp … ay mabigat yung kanyang kahaharapin kaya naman humihingi kami ng tulong sa ating mga kapulisan, sa ating mga mamamayan na tulungan ang inyong pambansang pulisya para umahon dito sa mga isyung kinakaharap natin ngayon.”
Mar Gabriel