PBBM pinahinto ang pagbabayad ng amortization at interest sa lupa
Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang executive order na nagpapataw ng isang taong moratorium sa pagbabayad ng taunang amortisasyon at interest ng agrarian reform beneficiaries o ARBS.
Ito ay para sa mga lupang agrikultural na ipinamahagi sa kanila sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP ng Department of Agrarian Reform o DAR.
Sinabi ng Pangulo, na ang isang taong moratorium sa land amortization at interest payment ay makababawas sa pasanin ng mga benepisyaryo mula sa kanilang mga utang.
Magagamit aniya ng mga benepisyaryo ang pera sa pagpapaunlad ng kanilang mga sakahan.
Inihayag naman ni DAR Secretary Conrado Estrella III, na ang executive order sa moratorium ay bilang paghahanda sa panibagong katuparan ng pangako ng Pangulo, na humihiling sa Kongreso na magpasa ng batas na alisin na ang mga utang ng Agrarian beneficiaries na mayroong hindi pa nababayarang amortisasyon at interes.
Handa aniya ang DAR na makipagtulungan sa House of Representatives sa pag-amyenda sa section 26 ng Republic Act 6657, o ang Comprehensive Agrarian Reform Law ng 1988.
Ang condonation ng umiiral na agrarian reform loan ay sasakupin ang halagang 58.125 billion pesos kung saan makikinabang ang humigit-kumulang 654,000 ARBS at ang kabuuang 1.18 milyong ektarya ng mga lupang naipamahagi.
Eden Santos