PBBM pinasalamatan ang UAE president dahil sa pardon sa tatlong Pinoy na hinatulan doon
Nagpaabot ng pasasalamat si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay United Arab Emirates President Sheikh Mohamed Bin Zayed Al Nahyan sa pagbibigay ng pardon sa tatlong Pinoy na nahatulan sa nasabing bansa.
Ang dalawa sa nasabing Pinoy ay nahaharap sa death penalty dahil sa kasong drug trafficking habang ang isa ay nahatulang makulong ng 15 taon sa kasong slander.
Nakausap ni PBBM sa telepono si Sheikh Mohamed kung saan ipinarating nito ang pasasalamat.
Noong Abril una nang lumiham si Pangulong Marcos kay Sheikh Mohamed para hilingin na mabigyan ng humanitarian pardon ang tatlo.
Kasama rin umano sa napag-usapan ng dalawa ang pagpapasalamat ni PBBM sa pagbibigay ng tulong ng UAE sa mga pamilyang naapektuhan ng pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.
Una rito ay nagpadala ang UAE ng 50 tonelada ng food supplies at mga gamot.
Inimbita naman ni Sheikh Mohamed si PBBM para dumalo sa 2023 United Nations Climate Change Conference sa Dubai sa Disyembre.
Madelyn Moratillo