PBBM sa mga kabataan: Gawing inspirasyon ang buhay ng mga bayani gaya ni Mabini
Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga kabataang Pinoy na gawing inspirasyon at halimbawa ang buhay ni Apolinario Mabini para magsikap sa buhay.
Ang panawagan ay ginawa ng Pangulo sa pagdiriwang ng ika-160 na kaarawan ni Apolinario Mabini sa Lungsod ng Tanauan, Batangas.
Payo ni PBBM sa mga kabataang Pinoy na unawain ang mga “pilosopiyang pampulitika at panlipunan” ni Mabini upang magsilbing inspirasyon ang mga ito sa pamamagitan ng pakikiisa sa pagbuo ng progresibong Bagong Pilipinas.
“Si Mabini ay nagpapatunay sa kaisipan na ang bawat isa sa atin ay may kakayahang gumawa ng pagbabago at tumahak sa sariling landas tungo sa tagumpay, sa kabila ng iniindang kalagayan o anumang pagsubok,” pahayag pa ng pangulo.
Pagtiyak ni Pangulong Marcos, sa “Bagong Pilipinas” bawat isa ay may oportunidad na maging produktibong miyembro ng komunidad.
Madelyn Moratillo