PBBM tiwala na hindi magkakaroon ng recession sa Pilipinas
Kumpiyansa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi magkakaroon ng recession sa Pilipinas.
Ang pahayag ay ginawa ng pangulo kasunod ng ulat na bumaba ang unemployment rate sa bansa noong Oktubre.
Sa preliminary results ng latest labor force survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumagsak sa 4.5 percent ang unemployment rate noong Oktubre kumpara sa 7.4 percent noong October 2021 at 5 percent noong Setyembre.
Sa isang video message, siniguro ni PBBM na gumagawa na ng mga paraan ang kaniyang administrasyon para maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga ordinaryong mamamayan.
“At asahan ninyo na lahat ng paraaan na maari nating gawin ay gagawin natin para pababain ang inflation rate at gawing mas mabagal man lang ang pagtaas ng presyo,” pagtiyak ni Pangulong Marcos.
Batay pa sa PSA survey, nabawasan sa 2.24 million ang bilang ng unemployed Filipinos noong Oktubre mula sa 3.5 million noong 2021
Lumabas pa sa survey na lumobo sa 95.5 percent ang employment rate noong Oktubre mula sa 95 percent noong Setyembre na pinakamataas na naitala simula noong January 2020.
Madelyn Moratillo