PCG, maglalagay ng floating barriers upang mapigilan ang oil spill
Plano ng Philippine Coast Guard (PCG), na maglagay ng oil dispersant at floating barriers ngayong Biyernes, isang araw matapos lumubog ng isang tanker na may kargang 1.4 milyong litro ng industrial fuel.
Nakita ng mga mamamahayag mula sa agence france presse (AFP), ang paghahanda ng mga tauhan ng coast guard sa Limay, Bataan sa equipment para sa isang bangka na gagamiting pangontra sa oil slick sa Manila Bay.
Ang MT Terra Nova ay lumubog sa maalong karagatan halos pitong kilometro (4.3 milya) sa labas ng munisipalidad ng Limay noong Huwebes ng umaga, matapos maglayag patungo sa sentrong lungsod ng Iloilo.
May nakitang oil slick na umaabot ng ilang kilometro sa daanan ng tubig, na inaasahan ng libu-libong mangingisda at mga operator ng turismo para sa kanilang kabuhayan.
Ngunit sinabi ng tagapagsalita ng coast guard na si Rear Admiral Armando Balilo sa isang briefing nitong Huwebes, na lumilitaw na ang diesel fuel na ginamit sa pagpapaandar ng tanker ang tumagas at, sa ngayon, ay hindi ang karga nitong industrial fuel oil.
Nagtakda ang coast guard ng pitong araw na target na i-offload ang mga kargamento, at pigilan ang ibinabala ni Balilo na magiging pinakamalalang oil spill sa kasaysayan ng Pilipinas kapag ito ay tumagas.
Nangyari ang insidente nang bumuhos ang malakas na pag-ulan na dulot ng Bagyong Gaemi (tinawag na Carina sa Pilipinas), at ng seasonal monsoon na tumama sa Maynila at mga kalapit na rehiyon nitong mga nakaraang araw.
Pagkatapos maglayag noong Miyerkoles, nagpasya ang kapitan na huwag nang ituloy ang paglalakbay patungong Iloilo dahil sa maalong karagatan, ngunit nang bumuwelta ang barko ay hinampas naman ito ng malalaking alon at lumubog.
Namatay ang isang crew, ngunit labing-anim ang nailigtas.
Iniimbestigahan na ang sanhi ng aksidente, ngunit sinabi ni Balilo noong Huwebes na nilabag ng tanker ang panuntunan sa paglalayag kapag masama ang panahon.
Sinabi ng campaign group na Greenpeace, na dapat ayusin ng mga may-ari ng MT Terra Nova ang anumang pinsala sa kalikasan at bayaran ang naapektuhang mga pamilya.
Isa sa pinakamalalang oil spills sa Pilipinas ay noong Pebrero 2023, nang lumubog sa gitnang isla ng Mindoro ang isang tanker na may kargang 800,000 litro ng industrial fuel oil.
Nakontamina ng diesel fuel at makapal na langis mula sa nasabing tanker, ang katubigan sa kahabaan ng baybayin ng lalawigan ng Oriental Mindoro, na sumira sa industriya ng pangisdaan at turismo.
Ang langis ay kumalat sa daan-daang kilometro ng tubig sa sikat na lugar dahil kinaroroonan ito ng ilan sa pinaka-diverse marine life sa mundo.
Noon namang 2006, isang tanker ang lumubog sa central island ng Guimaras, kung saan tumagas ang libu-libong galon ng langis na sumira sa marine reserve, local fishing grounds at binalot ng maitim at malagkit na sludge ang kahabaan ng pampang.