PCG nakaalerto sa pananalasa ng Severe Tropical Storm Auring
Naka-alerto na ang Philippine Coast Guard (PCG) para sa posibleng pananalasa ang Bagyong Auring sa bansa.
Ayon kay PCG spokesperson Commodore Armand Balilo, naglabas na sila ng direktiba sa lahat ng Coast Guard units partikular sa mga lugar na direktang tatamaan ng bagyo.
Mahigpit ang bilin ng PCG sa lahat ng kanilang units na matiyak na makamit ang “zero maritime incident” at pagsasagawa ng “proactive disaster response operations”.
Sinabi pa ni Balilo na ang Coast Guard Districts sa Davao Region, Northern Mindanao, Vizayas, at Southern Luzon ay nasa heightened alert na.
Ito ay para masiguro na kumpleto at nakahanda ang kani-kanilang deployable response groups at quick response teams.
Kaugnay nito, sinabi ni Balilo na ang Coast Guard vessels, air assets at land mobility mula sa headquarters at major units ng PCG ay naka-standby na para sa posibleng augmentation deployment lalo na sa evacuation at rescue operations.
Naglabas na rin ang PCG ng abiso sa mga mangingisda, ship crew, at iba pang maritime stakeholders hinggil sa ipatutupad na “no sail policy” sa kasagsagan ng masamang panahon.
Madz Moratillo