PCG, patuloy na nagpapatrolya sa bahagi ng Manila bay para sa inagurasyon ni PBBM
Puspusan narin ang mga ginagawang paghahanda ng Philippine Coastguard para masigurong plantsado ang seguridad pagdating sa mga katubigang bahagi sa Maynila kung saan gagawin ang inagurasyon ni President elect Bongbong Marcos.
Ngayong araw, sinimulan na ng PCG ang pagpapatrolya sa bahagi ng Manila Bay na nakakasakop sa Maynila.
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Armand Balilo, may mahigit 500 tauhan silang idedeploy para sa inagurasyon.
Ang iba sa kanila, magpapatrolya sa Manila Bay at Pasig River ang iba naman ay tutulong sa civil disturbance unit.
Bukod sa mga sasakyang pandagat, may land vehicles din umano ang inihahanda ng PCG para tumulong sa pagtiyak ng seguridad sa araw ng panunumpa ni PBBM.
Una rito, inanunsyo ng PCG na ipatutupad ang ‘no sail zone’ sa Malacañang restricted area sa Pasig River.
Wala pa naman daw namomonitor ang PCG na banta sa seguridad sa inagurasyon.
Madelyn Villar – Moratillo