PCG, pinabulaanang ‘di nakakapangisda ang mga Pinoy sa Bajo de Masinloc
Patuloy pa ring nakakapangisda sa paligid ng Bajo de Masinloc ang mga mangingisdang Pinoy.
Ito ang nilinaw ng Philippine Coast Guard (PCG) kasunod ng ginawa nilang maritime patrol sa lugar kasama ang mga taga-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Katunayan, ayon kay Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng PCG patungkol sa West Philippine Sea issue, sa buong panahon ng kanilang pagpapatrolya ay nasa 168 toneladang isda ang nahuli ng may higit 50 fishing vessel na kanilang namonitor sa lugar.
Binigyang diin din ni Tarriela na hindi totoo na hindi na nakalalapit ang mga barko ng Pilipinas sa Bajo de Masinloc, katunayan nakapag-angkorahe aniya ang PCG at BFAR ng hanggang 300 metro mula mismo sa bahura.
Gayunman, aminado siyang hindi na nakakapasok sa loob mismo ng Bajo de Masinloc ang mangingsidang Pinoy dahil sa mahigpit na pagbabantay ng mga barko ng China na nakuhanan mismo nila na naglalagay ng floating barrier o mga boya.
Aminado rin ang opisyal na walang magagawa ang PCG at hindi naman nila basta pwedeng alisin ang nasabing mga boya.
Pero ito ay inireport na aniya nila sa National Task Force for the West Philippine Sea at hihintayin din nila ang magiging rekomendasyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Justice (DOJ) patungkol dito.
Madelyn Villar Moratillo