PCG, rerebyuhin ang kanilang mga protocol at regulasyon para sa paglalayag ng mga sasakyang pandagat upang maiwasan ang mga trahedya sa karagatan
“Squall” o biglaang paglakas ng hangin at paglaki ng alon ang nakikitang dahilan ng Philippine Coastguard (PCG) sa trahedya sa Iloilo-Guimaras strait.
Sa katunayan, ayon kay PCG Spokesperson Capt. Armand Balilo, hindi lamang ang karagatan ang naapektuhan kundi nadamay at nasira din ang mga bahay sa gilid ng baybayin.
Aniya ang “squall” ay bihirang mangyari, unpredictable at biglaan na lamang itong dumarating na parang ipo-ipo.
Madalas aniya itong mangyari sa mga baybayin sa Mindoro area.
Sinabi pa ni Balilo na maaraw at wala ding sama ng panahon noong nangyari ang aksidente kaya pinayagang pumalaot ang mga motor banca.
Gayunman, isasama nila sa imbestigasyon ang pagrepaso sa kanilang mga protocols at kung may mga regulasyon na dapat baguhin upang hindi na maulit ang trahedya.
“Dati pagka signal number 2 or 3 meron pa tayong pinapayagan na klase ng barko pero nag-evolve yan naging signal number one at ngayon talagang wala na. Absolutely hindi na pwedeng maglayag ang mga bangka. Maliit man yan o malaki, fishing boat, commercial, lahat yan talagang di natin pinapayagan. Ngayon meron na namang bagong pangyayari. Siguro panahon na para rebyuhin ang mga regulation para mag-adapt ang protocol natin sa klase ng panahon na meron na tayo ngayon”.