PCG sumulat na sa gobyerno ng Marshall Islands upang ipaalam ang insidente sa karagatan na sakop ng Agno, Pangasinan
Sumulat na ang Philippine Coast Guard sa gobyerno ng Marshall Islands para ipaalam ang pagkamatay ng 3 mangingisdang Pinoy sa 180 nautical miles ng Agno Pangasinan.
Ayon kay PCG commandant Admiral Artemio Abu, ito ay para malaman ang mga impormasyon patungkol sa MV Pacific Ana, ang itinuturing na vessel of interest, sa insidente ng pagbangga sa fishing boat Dearyn noong lunes ng madaling araw, October 2.
Bukod rito ay sumulat na rin aniya sila sa Port State Control ng Singapore kung saan inaasahang dadaong ang MV Pacific Ana.
Ito ay para mainspeksyon ang oil tanker pagdating nito sa pantalan para makita kung may mga tama ang bahagi ng barko dahil sa pagkakabangga.
“Other than informing the next port of call which is SG we call the vessel of interest kita sa sea vision, sinulatan natin ako mismo sumulat sa Marshall Island para sabihin ang nangyari.” pahayag ni PCG Commandant Admiral Artemio Abu
Nilinaw ng PCG na hindi naman nila itinuturo ang Pacific Ana, pero batay sa satellite monitoring ay ito ang nakita nilang dumaan sa nasabing lokasyon sa kaparehong oras.
Sinabi ni Abu na may 2 PCG officials na rin sa Singapore na nakaabang sa pagdating ng tanker.
nagsasagawa na rin aniya ng marine casualty investigation ang PCG kaugnay ng insidente.
Nilinaw naman ng PCG na walang kinalaman sa issue ng West Philippine Sea ang insidente at aksidente lang ito.
“Yes, totoo iyan. Ito ay isang aksidente, walang kinalaman sa tsina; hindi ito nangyari sa Bajo de Masinloc; hindi ito iyong mga naglalabasang ispekulasyon nga kahapon ‘no na baka daw Chinese maritime militia or Chinese Coast Guard ang deliberately na nag-ram ng bangka ng ating mga kababayang mangingisda. As i said ‘no, hindi ito nangyari sa immediate vicinity ng Bajo de Masinloc, masyado itong malayo sa Bajo de Masinloc; at the same time, it’s not deliberately rammed as what was speculated by some ‘no at hindi ito Chinese Coast Guard or Chinese maritime militia.” paliwanag ng PCG Spokespersom Commodore Jay Tarriela
Madelyn Moratillo