PCG tumulong na rin sa paghahanap sa 15 nawawalang mangingisda sa bahagi ng Philippine Rise
Tumulong na rin ang Coast Guard District Southern Tagalog (CGDSTL) sa pinaigting na search and rescue efforts, para sa 15 mga mangingisda na napaulat na nawawala makaraang makasagupa ng masamang lagay ng panahon ang FBCA Zshan habang nangingisda, sa bisinidad ng Philippine Rise.
Ayon sa CGDSTL, bandang alas-9:00 ng umaga noong September 1, 2024, nakatanggap ng weather updates ang FBCA Irish J mula sa isang local radio station tungkol sa papalapit na Tropical Storm #EntengPH.
Agad na inabisuhan ng kapitan ang FBCA Irish J at FBCA Zshan na ihinto na ang pangingisda.
Courtesy: Coast Guard District Southern Tagalog
Gayunman, hindi na maganda ang lagay ng karagatan kaya’t nagkahiwalay ang mga ito sa tinatayang 20 nautical miles at nawalan din ng komunikasyon habang patungo sa hilaga ng Jomalig Island.
Nitong Biyernes, September 6, 2024, nagdeploy na ang Coast Guard Aviation Command (CGAvCom) ng isang helicopter upang magsagawa ng isang aerial search sa vicinity waters ng Palanan, Isabela, pati na sa hilagang bahagi ng Quezon at northeastern Luzon.
Bukod dito ay nagdeploy din ang Philippine Air Force (PAF) Tactical Operations Group 4, ng isang multipurpose helicopter upang tumulong sa aerial survey.
Courtesy: Coast Guard District Southern Tagalog
Ang joint operation ng Philippine Coast Guard (PCG), PAF, Philippine Army (PA), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), at ng Local Government Unit (LGU) ay nasuspinde dahil sa malakas na hangin at alon.
Sinabi ni CGDSTL Commander, CG Commodore Geronimo Tuvilla, “The PCG assures the families of the missing fishermen that all available resources are being utilized to locate and rescue their loved ones. The Coast Guard urges the public to remain vigilant and report any sightings or information related to the incident to proper authorities,”