PCOO, pinagpapaliwanag ng Senado sa isyu ng Federalismo…Mocha Uson, kinastigo dahil sa malaswang kampanya
Tinawag na kalaswaan ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang paraan ng pagpo-promote ng Malacañang sa isyu ng Federalismo.
Tinukoy nito ang kumalat na video ni Presidential Communications Operations Office o PCOO Assistant Secretary Mocha Uson kung daan hinaluan nito ng malaswang sayaw at kanta ang Federalism.
Ayon kay Pangilinan, chairman ng Senate Committee on Constitutional Amendments, hindi dapat palampasin ang kalokohan ni Uson.
Hindi Public service at hindi nakatulong ang ginamit na paraan ni Uson para maunawaan ng taumbayan ang isyu ng Federalism.
Dapat rin aniyang pagpaliwanagin si PCOO Secretary Martin Andanar sa aniya’y kababuyan na nangyayari sa kaniyang tanggapan at ginagawa ng kaniyang mga tauhan gamit ang pondo at resources mula sa buwis ng taumbayan.
Sen. Pangilinan:
“Kababuyan at kalaswaan ang tawag sa ginagawa nila at hindi public service. Ang pambabastos at pambababoy ng isang Assistant Secretary ay di dapat pinalalampas ng administrasyon. Dapat magpaliwanag si Secretary Andanar sa mga kalaswaan at kababuyan na nangyayari sa kanyang tanggapan na ginagawa ng mga tauhan niya gamit ang pondo oras at kagamitan ng gobyerno”.
Ulat ni Meanne Corvera