PDLs na palalayain sa susunod na taon, target doblehin ng DOJ at BuCor; one-time big time na clemency, ikinakasa
Plano ng Department of Justice (DOJ) na makapagpalaya ng 700-800 preso kada buwan mula sa mga kulungan ng Bureau of Corrections (BuCor) sa 2023.
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, madaming nakapiit ngayon sa mga bilangguan na hindi dapat makulong.
Para naman ma-doble ang bilang ng mapalayang persons deprived of liberty (PDLs), sinabi ni BuCor OIC Gregorio Catapang Jr. na bubuo sila ng volunteer lawyers sa bawat penal farms para maasikaso ang release data ng mga bilanggo.
Kaugnay nito, inihayag din ni Remulla na target ng DOJ, BuCor at Public Attorneys’ Office na magawaran ang 1,000 hanggang 2,000 preso ng executive clemency.
Target aniya nila ito sa susunod na 60-75 araw.
Ayon sa kalihim, ito ang tinatrabaho ng kagawaran ngayon katuwang ang PAO.
Aniya isinasaayos na nila ang proseso ng vetting ng mga inirerekomenda sa pangulo para sa clemency.
Simula aniya noong Setyembre ay nagsumite na sila ng mga pangalan ng mga rekomendasyon sa Palasyo para mabigyan ng clemency.
Sa Martes din ay makikipagpulong si Remulla kay Executive Secretary Lucas Bersamin para madetermina ang petsa ng paggawad ng clemency.
Moira Encina