Peak ng world population aabot sa 10.3 billion sa 2080s ayon sa UN
Sinabi ng United Nations (UN), na ang peak ng populasyon ng mundo sa kalagitnaan ng 2080s ay aabot sa humigit-kumulang 10.3 billion, pagkatapos ay bahagyang babagsak sa isang lebel na mas mababa kaysa inaasahan, isang dekada ang nakalipas.
Ang kasalukuyang populasyon ng 8.2 bilyong katao ay tataas sa nabanggit na maximum sa loob ng susunod na 60-taon, pagkatapos ay bababa sa 10. 2 bilyon sa pagtatapos ng siglo, batay sa pag-aaral na lumabas na may titulong “World Population Prospects 2024.”
Ayon dito, ang dami ng populasyon ng mundo sa 2100 ay anim na porsiyentong mas mababa, o mas kakaunti ng 700 milyon, kaysa inasahan noong June 2013.
Sinabi ni Li Junhua, UN Undersecretary General para sa Economic and Social Affairs, “The demographic landscape has evolved greatly in recent years.”
Ayon kay Junhua, “The unexpected population peak stems from several factors that include lower levels of fertility in some of the world’s largest countries, especially China.”
Aniya, ang ‘lower maximum’ ay mas maaga ring mangyayari kaysa sa naunang kinalkula at ito ay isang ‘hopeful sign’ habang nilalabanan ng mundo ang global warming: “fewer humans accounting for less aggregate consumption would mean less pressure on the environment.”
Dagdag pa ng opisyal, “However, slower population growth will not eliminate the need to reduce the average impact attributable to the activities of each individual person.”
Mahigit sa quarter o 28 percent, ng populasyon ng mundo ang ngayon ay naninirahan sa isa sa 63 mga bansa o lugar kung saan ang populasyon ay nasa peak na kabilang ang China, Russia, Japan, at Germany.
Malapit na sa 50 iba pang mga bansa ang mapapasama na rin sa grupo sa susunod na 30 taon, gaya ng Brazil, Iran at Turkey.
Gayunman ayon sa UN, ang paglago ng populasyon ay magpapatuloy sa mahigit 120 mga bansa pagkatapos ng 2054. Kinabibilangan ito ng India, Indonesia, Nigeria, Pakistan at Estados Unidos.
Ang pagtaas sa ‘global life expectancy,’ na naantala ng Covid pandemic ay nagpatuloy, na may average na 73.3 years of longevity ngayong 2024. Mag-a-average na ito sa 77.4 years sa 2054.
Kaya mas magiging marami na ang matatanda sa populasyon ng mundo, at pagdating ng mga huling bahagi ng 2070s, ang bilang ng mga taong edad 65 o mas matanda pa ay tinatayang magiging 2.2 bilyon, malalampasan ang mga may edad 18, batay sa prediksiyon ng pag-aaral.