Pediatric anti-COVID-19 vaccination, ipinaaapura na ng Kamara sa DOH
Naghain ng House Resolution 270 sa Kamara si House Deputy Majority Leader Iloilo Congressman Lorenz Defensor na naglalayong apurahain na ang pag-aaral ng Department of Health o DOH, para mabigyan na ng anti-COVID -19 vaccine ang mga batang may edad tatlo hanggang limang taong gulang.
Sa pulong balitaan sa Kongreso, sinabi ni Defensor na hindi sana nasayang ang mahigit 20 milyong doses ng anti-COVID-19 vaccine na nagkakahalaga ng 13 bilyong piso kung naibakuna ito sa mga kabataan .
Ayon kay Defensor ngayong nagdesisyon na ang pamahalaan na luwagan na ang health protocol, kailangang palakasin ang vaccination program ng pamahalaan.
Inihayag ni Defensor na pinahintulutan na ang face to face na klase sa lahat ng antas at niluwagan na rin ang pagsusuot ng face mask, kaya hindi dapat na magpatumpik-tumpik ang DOH sa kampanya sa pagbabakuna mula sa primary series hanggang sa booster shot ng anti-COVID 19, maging ang pagpapatupad ng pediatric vaccination.
Niliwanag ni Defensor na ngayong nagbabalak ang gobyerno na bumili ng new generation ng anti-COVID 19 vaccine kailangang maglagay ng isang tao lamang na siyang mangangasiwa sa pagbili ng bagong bakuna na may koordinasyon sa pribadong sektor at local government units o LGUs, tulad noong panahon ng Duterte administration na inilagay na Vaccine Czar si Secretary Carlito Galvez upang matantiya ang kailangang bakuna at hindi na maulit ang nangyaring vaccine wastage.
Vic Somintac