Pekeng Lipstick, maaari umanong maging sanhi ng sakit sa Nervous system – ayon sa eksperto
Sa dami ng cosmetics na naglipana sa kasalukuyan, marami rin ang mabibili sa murang halaga, kabilang na dito ang lipstick.
Ayon sa isang environmental group, dapat mag-ingat ang mga kakabaihan sa pagbili ng mga lipstick na posible umanong may sangkap na mga nakalalasong kemikal.
Marami umano sa mga sobrang murang cosmetics o produktong pampaganda ay walang katiyakan sa kalidad.
Ilang brand ng lipstick, na itinitinda sa halagang 15 hanggang 35 piso ang isinailalim ng grupo ng Environmentalist sa Chemical screening at natuklasan nilang may mga sangkap umano na toxic metal gaya ng lead, arsenic, cadium at mercury.
Ayon naman sa Philippine Society of Clinical and Occupational Toxicology, ang mga nakalalasong lipstick na ito ay posibleng maging sanhi umano ng ilang sakit sa nervous system, baga, at atay.
Kabilang umano sa maaaring maranasan ng mga babaeng nakagamit ng lipstick na nabanggit ay hindi maigalaw ang kamay.
Maaari din umanong maapektuhan ang balance ng katawan.
Pagbibigay-diin pa ng environmentalist group, higpitan sana ang pagbabantay at pagkumpiska sa mga peke at hindi rehistradong produkto.
Sa ganitong paraan ay maiingatan ang kalusugan ng mamamayan.
Ulat ni Belle Surara