Pekeng NBI agents, arestado ng NBI sa QC
Inaresto sa loob mismo ng bagong tanggapan ng NBI sa Quezon City ang dalawang lalaking nagpakilalang NBI agents.
Ayon sa NBI, ikinasa ang entrapment operation laban sa mga suspek na sina Leonardo G. Monteverde at Christopher Bacolod Engle matapos makatanggap ang kawanihan ng reklamo laban sa mga ito.
Batay sa mga complainant, pumasok ang dalawa sa kanilang spa establishment sa Kamuning, QC at nagpakilalang NBI agents sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanilang badges.
Sinabihan raw sila nina Monteverde at Engle na may mga paglabag ang spa establishment at isasailalim ito sa law enforcement operations.
Pagkatapos ay hiningan daw ng mga suspek ang complainants ng protection money na Php20,000 para hindi matuloy ang operasyon sa spa at Php18,760 para naman sa reimbursement ng surveillance expenses.
Sa araw ng entrapment operation laban sa dalawang pekeng NBI agents, nakutuban ng mga ito na sila ay minamatyagan kaya agad umalis nang ibibigay na sana ang salapi sa kanila ng complainant.
Sinundan ang dalawa ng isa sa NBI agents sa gas station malapit sa bagong NBI office sa Vtech Tower sa QC.
Nagulat ang NBI agent nang pumasok sa loob ng NBI building ang mga suspek.
Nakumpirma na hindi konektado sa NBI ang dalawa at inaresto ang mga ito sa basement lobby ng NBI office.
Nakumpiska sa mga lalaki ang mga pekeng NBI IDs, badges at baril na walang permit to carry.
Base pa sa imbestigasyon ng NBI, ginamit din ni Monteverde ang koneksyon nito sa isang civic organization para matigil ang human trafficking para mangikil ng salapi sa iba’t ibang establisyimento.
Dinala sa piskalya ang dalawa para sa inquest proceedings kung saan ipinagharap sila ng patung -patong na reklamo.
Moira Encina