People living with HIV, hinimok na magpabakuna kontra COVID-19
Umapela ang DOH sa PLHIV o people living with HIV na suportahan ang COVID-19 vaccination program ng gobyerno at magpaturok kontra sa nasabing sakit.
Sa online launching ng PLHIV legal assistance program na CARE, sinabi ni Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire na kabilang ang PLHIV sa A3 vaccine priority o person with comorbidities.
Tiniyak ni Vergeire na mapananatili ang privacy at confidentiality ng PLHIV sa COVID vaccination.
Aniya naglabas ang DOH ng memorandum para maglaan ang LGUs ng hiwalay na vaccination area para sa PLHIV.
Maaari aniyang magpaturok ng anti-COVID vaccines ang PLHIV matapos makakuha ng medical clearance.
Binigyang-diin ng opisyal na ligtas para sa taong may HIV ang bakuna laban sa COVID dahil ang mga ito ay gawa sa inactivated virus o parte ng virus.
Wala rin aniyang kumpirmadong pharmacological interactions sa pagitan ng COVID vaccines at antiretroviral drugs na dapat patuloy na iniinom ng PLHIV.
Inihayag pa ni Vergeire na mas higit ang benepisyo ng pagpapabakuna kaysa sa side effect na kadalasan ay mild lamang.
Moira Encina