Pera sa Basura ng Bata o PBB project ng DENR para maibsan ang problema sa basura, sisimulan nang ipatupad
Hindi lamang makatutulong sa kalikasan ang panibagong proyektong sisimulan ng Department of Environment and Natural Resources o DENR para masolusyunan ang problema sa basura ng bansa.
Sa pamamagitan ng proyektong “Pera sa Basura ng Bata” o PBB, gagamitin ang mga bata sa pag-iipon ng mga basura na bibilhin naman ng mga Junk shops at sila ang magdadala sa mga accredited recycling areas.
Ayon kay Benny Antiporda, DENR Undersecretary for Solid Waste Management and Local government units concerns, makatutulong ito upang magkaroon ng allowance o pambaon sa paaralan ang mga bata.
Katuwang ng DENR sa proyekto ang mga eskuwelahan at LGU’s at hinihimok din ang mga nasa pribadong sektor na tumulong.
“Ito po’y magbibigay inspirasyon sa mga bata na kung saan ang tansa na basura ay naiipon parang ganun rin ang nangyayari na kapag ang magulang ay naglalakad at may nakitang pet bottle, pupulutin niya ito at iuuwi at sasabihing ibebenta ng anak ko ito kaysa nakakalat at nagbabara lang sa imburnal”.
Para naman sa mga basurang nabubulok o mga Biodegradables, naghahanap na sa ngayon ang DENR ng magpopondo para sa ipapamahaging mga plastic containers na may selyo.
Sa mga ipapamahaging mga containers aniya iipunin ng mga mamamayan ang mga basurang nabubulok o mga biodegradables at dadalhin ito sa mga composting facilities.
“Magkakaron ng composting facility at ito ay gagawing mga Soil enhancers at fertilizers mula sa mga Biodegradables. Ilalagay ito sa mga container na may selyo”.