Peritoneal Dialysis, dapat na gamitin ng pasyente- PhilHealth
Patuloy na pinapaalalahanan ng Philippine Health insurance corporation o Philhealth ang kanilang partner health care providers na imungkahi sa kanilang mga pasyente ang paggamit ng Peritoneal Dialysis o P.D.
Ayon sa Philhealth, ang PD ay pangunahing paraan ng paggamot ng sakit sa bato, lalo na sa mga pasyenteng may Chronic Kidney Disease o (CKD) Stage 5.
Kung magugunita, taong 2014 nang ilunsad ng Philhealth ang Peritoneal Dialysis first – bilang Z- benefit package upang makapagbigay ng mas malaking tulong pinansyal sa mga may sakit sa bato.
Nagkakahalaga ng 270 libo bawat taon ang naturang Z- package benefit na may malaking maitutulong para sa mga Chronic kidney patient.
Batay sa website ng National Kidney and Transplant Institute o NKTI, ang Peritoneal dialysis ay isang uri ng pagda-dialysis kung saan ang Peritoneal membrane ng pasyente ang nagsisilbing artipisyal na bato o kidney.
Walang dugo na inaalis at ibinabalik sa pasyente sa paraang ito.
Sa katunayan, ang pagda-dialysis gamit ang Peritoneal membrane ay isa ring mabisang paraan upang maalis ang mga dumi, toxins at labis na tubig na naipon sa bato ng pasyenteng hindi gumagana nang maayos ang kidney.
Ulat ni Belle Surara