Permit mula sa NCCA kailangan bago ang excavation ng mga eksperto sa DOJ
Hinihintay pa ng mga eksperto ang permit mula sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA) bago masimulan ang excavation at exploration sa construction site sa Department of Justice (DOJ) kung saan nahukay ang ilang kalansay.
Noong Biyernes ay nag- inspeksyon ang mga eksperto na kinabibilangan ng anthropologist at archaelogist sa DOJ para suriin ang lugar kung saan nakita ang kalansay ng tinatayang apat na tao.
Una nang sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na maaaring archaelogical site ang nasabing lugar na pagtatayuan ng library building ng DOJ.
Sinabi ni Dr. Maria Teresa De Guzman na isang social anthropologist kailangan muna nila ng pahintulot mula sa NCCA para tuluyang masuri ang construction site.
Ito ay alinsunod aniya sa Republic Act 10066 o National Heritage Act.
Ayon kay De Guzman, kung makipag-ugnayan ang DOJ sa NCCA ay maaaring mapabilis ang pagkuha ng permit para maipagpatuloy ang pagsasaliksik.
Pinahinto ng mga eksperto noong Biyernes ang konstruksyon ng four-storey na gusali dahil sa mga nadiskubreng kalansay.
Bagaman wala pang assessment ang mga eksperto ay posible anilang sa panahon pa ng giyera ang mga kalansay lalo na’t may historical value ang lokasyon na kinatatayuan ng DOJ sa Maynila.
Moira Encina