Personal filing ng mga pleadings sa Korte Suprema, muling papayagan simula sa Peb. 16
Unti-unti nang niluluwagan ng Korte Suprema ang ilang panuntunan nito bunsod ng patuloy na pagbaba ng kaso ng COVID-19.
Sa memorandum order na inisyu ni Chief Justice Alexander Gesmundo, sinabi na simula sa Pebrero 16 ay papayagan na muli ang personal na paghahain ng mga pleadings at court submissions sa Korte Suprema.
Mula 9:00 ng umaga hanggang 4:30 ng hapon na rin ng Lunes hanggang Biyernes ang opisyal na pasok ng mga kawani.
Dinagdagan na rin ang operational capacity ng mga tanggapan sa Supreme Court.
Dapat na hindi bababa sa 80% ng workforce ng bawat opisina o dibisyon SC na papasok on-site.
Maliban na lang sa ilang tanggapan gaya ng Medical and Dental Services, Security Division, Maintenance Division, at Motorpool Section na 100% dapat ang pisikal na papasok.
Patuloy naman ang pagmonitor sa lagay ng kalusugan ng mga empleyado na magri-report on-site bilang pag-iingat sa COVID-19.
Moira Encina