Personal records ng mga pasyente sa isang French hospital, inilabas online ng hackers
Kinumpirma ng mga opisyal na naglabas ng mga personal na record ng mga pasyente online, ang mga hacker na puminsala sa isang ospital sa France at nagnakaw ng maraming data noong nakaraang buwan.
Ang cyberattackers ay nanghingi ng multimilyong dolyar na ransom mula sa Corbeil-Essonnes hospital na malapit sa Paris noong isang buwan, ngunit tumanggi ang institusyon na magbigay.
Ayon sa ospital, ang mga hacker ay naglabas na ngayon ng medical scans at laboratory analysis kasama ng national security numbers ng mga pasyente.
Sinabi ni health minister Francois Braun, “I condemn in the strongest possible terms the unspeakable disclosure of hacked data.”
Sa naganap na pag-atake noong isang buwan, ay isinara ng Corbeil-Essonnes hospital ang kanilang emergency services at inilipat ang marami nilang pasyente sa ibang mga institusyon.
May pagkakataon pa ayon sa mga opisyal, na ang tanging teknolohiya lamang na gumagana ay ang kanilang mga telepono.
Sa halip na ipagbili ang mga data, inilabas ng hacker ang ilan sa mga ito sa “dark web” para puwede siyang ma-download. Ang “dark web” ay isang nakatagong bahagi ng internet na nangangailangan ng isang espesyal na software para ma-access.
Ayon sa analysts, malinaw na isa iyong taktika para i-pressure ang ospital, bagama’t ang mga institusyong pampubliko ay pinagbabawalan ng French law na magbayad ng ransoms.
Sinabi ng cybersecurity researcher na si Damien Bancal, na siyang nagbulgar sa leak at nakakita sa mga file, ang nakapag-aalala ay maaari na rin ngayong maglunsad ng scams ang iba pang kriminal gamit ang nabulgar nang mga data.
Bilang tugon naman sa nangyaring leak nitong nakaraang linggo, pinahigpitan ng ospital ang pag-access sa kanilang system at pinayuhan ang mga pasyente na maging lubhang mapagbantay kapag nakatatanggap ng mga email, text messages o tawag sa telepono.
© Agence France-Presse