Peru nakasabat ng 4,000 buhay na Amazon turtles sa airport
Nakasabat ang Peruvian authorities ng nasa apat na libong mga pagong na nagmula sa Amazon, sa pangunahing international airport ng bansa.
Sinabi ng National Forestry and Wildlife Service, na napigil nila ang isang kargamento ng mga buhay na pagong sa Jorge Chavez airport na dadalhin sana sa Indonesia.
Kabilang dito ang baby Arrau turtles — ang pinakamalaking river turtle sa South America, at ang yellow-spotted river turtle, na nadiskubre sa maliliit na transparent plastic containers na nasa loob ng cardboard boxes.
Ang dalawang uri ng nabanggit na pagong ay kapwa nasa talaan ng Convention on International Trade in Endangered Species (CITES) ng Wild Fauna and Flora Appendix II, na nangangailangan ng tracking at regulation of trade.
Isinama naman ng International Union for Conservation of Nature ang yellow-spotted river turtle, na ikalawang pinakamalaking pagong sa Amazon, sa talaan ng ‘vulnerable to extinction,’ o malapit nang maubos.
Ayon sa Interpol, ang black market para sa illegal wildlife products ay nagkakahalaga ng $20 billion kada taon, at sanhi upang malapit nang maubos ang maraming wildlife species.
Sinabi pa ng CITES, na ang tortoises at turtles ay kasama sa pinakananganganib na maubos na grupo ng mga hayop sa mundo.