Peru, sinimulan na ang pagbabakuna; Indian vaccines inaprubahan na ng Argentina
LIMA, Peru (AFP) – Sinimulan na ng Peru nitong Martes ang kanilang coronavirus immunization program, dalawang araw matapos nilang matanggap ang 300,000 vaccine doses mula sa state-owned Chinese company Sinopharm.
Ang bansa ay malubhang tinamaan ng second wave ng coronavirus pandemic, na nararanasan din ng iba pang mga bansa sa Latin America.
Nakapagtala na ito ng nasa 1.2 million cases at higit sa 42,000 na ang namatay dahil sa COVID-19.
Umapaw ang mga ospital dahil sa halos 13,800 mga pasyente, habang napaulat din ang kakulangan nila ng oxygen para sa mga may problema sa paghinga.
Ang mga health care worker sa ilang pagamutan sa Lima, ang unang nabigyan ng bakuna nitong Martes ng umaga.
Umalis ang armed forces airplanes sa kapitolyo para dalhin ang bakuna sa mga rehiyon na pinakagrabeng naapektuhan, gaya ng jungle area ng Huanuco, na nasa 350 kilometro (220 milya) sa hilagang-silangan ng Lima.
Ang Peru ay makatatanggap ng dagdag pang 700,000 doses ng Chinese vaccine sa Linggo. Sumang-ayon ito na bumili ng 38 milyong doses ng Sinopharm vaccine at 20 milyong doses ng Pfizer/BioNTech one.
Bibili rin ang Peru ng 14 million AstraZeneca/Oxford vaccines at 13.2 million Covax vaccine.
Hindi pa ina-anunsyo ng mga awtoridad kung kailan sisimulan ang pagbabakuna sa iba pang mga tao, ngunit plano ng Peru na mabakunahan ang 26 na milyong Peruvian.
Matatandaan na matinding binatikos ang pamahalaan ni President Francisco Sagasti, dahil sa pagkaantala sa paglulunsad ng iimmunization program kumpara sa mga katabi nitong bansa na Chile at Bolivia.
Si Sagasti ay nabakunahan Martes na ng gabi sa isang ospital sa Lima.
Aniya, hindi dapat katakutan ang bakuna. Umaasa ito na lahat ng taga Peru ay mabakunahan sa taong ito.
Samantala, inanunsyo ng Argentina na inaprubahan na nila ang emergency use ng Indian-made Covishield vaccine.
Ang Covishield vaccine ay katulad ng British developed AstraZeneca/Oxford vaccine, na una nang naaprubahan sa huling bahagi ng Disyembre ng 2020.
Inaprubahan na rin ng Argentina ang paggamit sa Russian Sputnik V vaccine, dahil natanggap na nito ang 820,000 doses.
Sinimulan ng Argentina ang kanilang immunization program noong December 29, na ang ginamit lamang ay ang Sputnik V vaccine.
Ang Argentina na may 44 na milyong populasyon, ay nakapagtala ng wala pang dalawang milyong kaso at higit 49,000 naman ang namatay sanhi ng COVID-19.
Iniulat naman ng health ministry ng Chile, na nakapagbakuna na sila ng higit sa isang milyong katao, anim na araw matapos ilunsad ang isang mass-vaccination campaign para sa mga matatanda.
© Agence France-Presse