PET ibinasura ang hirit ni VP Robredo na ikunsiderang valid vote ang 25% shading sa balota
Ibinasura ng Presidential Electoral Tribunal ang hirit ni Vice-President Leni Robredo na ikonsidera bilang valid vote ang 25 % na shading sa balota.
Sa resolusyon ng PET, sinabi na walang batayan para ipatupad ang 25 percent threshold sa pagtukoy ng valid vote.
Wala rin anilang basehan ang paniniwala ng kampo ni Robredo na mayroong sistematikong pagbawas sa mga boto ni Robredo at ang argumentong ito ay nagpapakita lamang na hindi nauunawaan ni Robredo ang proseso ng revision.
Sa mosyon ni Robredo, hiniling nito na atasan ng PET ang mga head revisors na ikonsiderang valid votes ang 25% shading sa balota.
Binanggit nito na sa 2018 Revisors Guide, Random Manual Audit Visual Guidelines at Random Manual Audit Report ay ipinatupad daw ng Comelec ang 25-percent threshold percentage.
Pero ayon sa PET, inacurrate ang nasabing argumento ni Robredo.
Wala nalalaman ang PET na alinmang Comelec Resolution na nagtatakda ng 25-percent threshold sa shading ng balota para ituring na valid vote.
Hindi rin anila maaring ituring ng Comelec ang Random Manual Audit Guidelines and Report bilang katibayan ng 25-percent threshold.
Ayon pa sa tribunal, walang nakasaad sa Comelec Resolution 8804 na ukol sa 25 percent threshold.
Kahit inamyendahan anya ang panuntunang ito ng Comelec sa pamamagitan ng Resolution Number 9164 kung saan inalis ang 50-percent threshold, hindi naman nagpatupad ng bagong threshold ang Comelec.
Nilinaw pa ng PET na wala ring bagong threshold na ipinatupad sa ilalim ng 2018 Revisors Guide.
Tinukoy pa ng PET na ang final reduction at final addition sa mga boto ay mangyayari lamang kapag napagpasyahan na ng tribunal ang mga objections ng mga partido sa kaso.
Ulat ni Moira Encina