PET ibinasura rin ang hiling ni dating Sen. Bongbong Marcos na mapawalang-bisa ang resulta ng eleksyon sa tatlong probinsya sa Mindanao
Inilabas na ng Korte Suprema na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal (PET) ang kopya ng desisyon nito noong Pebrero 16 na nagbabasura sa buong election protest ni dating Sen. Bongbong Marcos laban kay Vice- President Leni Robredo.
Sa mahigit 90-pahinang desisyon na isinulat ni Justice Marvic Leonen, sinabi na ibinasura rin ng tribunal ang third cause of action ni Marcos na humihiling na ipawalang-bisa ang resulta ng halalan sa
Maguindanao, Lanao del Sur at Basilan dahil sa alegasyon ng malawakang dayaan gaya ng terorismo, pre-shading ng mga balota at harassment ng mga botante.
Ayon sa desisyon, hindi maaaring igiit ng protestant ang nais nito na annulment ng mga boto Maguindanao, Lanao del Sur at Basilan dahil sa nabigo ito na makakuha ng substantial recovery votes sa pinili niyang tatlong pilot provinces na Camarines Sur, Iloilo, at Negros Oriental.
Binigyang-diin ng PET na malinaw sa kanilang Rules na dapat ibasura ang protesta nang walang konsiderasyon sa iba pang lalawigan na binanggit sa election protest kapag hindi napatunayan ang kaso sa pilot provinces kaya hindi na maaaring ituloy ang third cause of action.
Pero, sa kabila nito ay itinuloy na rin ng tribunal ang pag-eksamin sa mga ebidensya ni Marcos ng sinasabing dayaan sa tatlong Mindanao province.
Sinabi pa sa ruling na may prima facie evidence na mapananatili ni Robredo ang lamang nito na boto laban kay Marcos kahit pa tumuloy ang tribunal sa third cause of action.
Binanggit din ng PET na wala ring ebidensya ang sinasabi ng protestant na paggamit ng mga illegal ballots o kung mayroon talagang illegal ballots.
Iginiit pa sa desisyon na nabigo si Marcos na mapatunayan na si Robredo ang nasa likod ng mga nasabing election irregularities sa tatlong probinsya sa Mindanao.
Moira Encina