PET iginiit na walang pag-delay sa pag-resolba sa poll protest ni BBM
Nilinaw ng Presidential Electoral Tribunal na walang rule na nagoobliga na resolbahin sa loob lamang ng 20 buwan o 12 buwan mula nang ihain ang isang poll protest.
Sa desisyon na isinulat ni Justice Marvic Leonen na nagbabasura sa election protest ni dating Sen. Bongbong Marcos, sinabi na hindi na “good law” ang iginigiit ni Marcos na Section 3 ng RA 1793 na nagsasaad na dapat mapagpasyahan ng tribunal sa loob ng 20 buwan ang protesta matapos itong maihain.
Paliwanag pa sa ruling, hindi pangkaraniwang petisyon ang election protest dahil sangkot dito ang karapatan ng mamamayan sa pagboto.
Ayon pa sa PET, bunsod ng “extraordinary nature” ng protesta ay binigyan nila ng lahat ng oportunidad ang parehong kampo para maiprisinta ang kanilang kaso para na rin sa interes ng due process.
Sa halip din daw na agad na ibasura ng tribunal ang protesta ni Marcos matapos na bigong mapatunayan ang electoral fraud base sa pilot provinces nito ay pinagkomento muna nila ang mga partido sa resulta ng manual recount.
Sinabi pa ng tribunal na hindi tulad ng apat na protesta na isinampa dati sa PET na ibinasura dahil sa pagiging moot, ang election protest ni Marcos ay niresolba batay sa merito makaraan ang isinagawang recount at appreciation ng mga balota sa tatlong pilot provinces.
Inihayag pa sa ruling na nagsagawa at kinumpleto ng PET ang retrieval, revision, at appreciation ng mahigit dalawang milyong balota mula sa pilot provinces.
Ikinatwiran pa ng tribunal na kailangan nilang maingat na rebyuhin ang malaking bilang ng mga balota at mga affidavits bunsod na rin ng “unique issues” sa kaso at para madetermina kung may dayaan na nangyari na kinakailangan para mapawalang-bisa ang resulta ng halalan.
Dahil dito, iginiit ng PET na hindi masasabing nagkaroon ng inordinate delay sa pagresolba sa Marcos case.
Una nang pinaratangan ng kampo ni Marcos si Leonen na member-in-charge sa kaso ng pagiging bias at pag-delay sa pagpasya sa kanyang election protest.
Moira Encina