PET, nagsagawa ng Ocular sa lugar kung saan isasagawa ang recount sa Election Protest ni dating Senador Bongbong Marcos
Sisimulan na sa Lunes, April 2 ng Presidential Electoral Tribunal o PET ang manual recount sa tatlong pilot provinces sa election protest ni dating Senador Bongbong Marcos laban kay Vice-President Leni Robredo.
Kaugnay nito, ipinakita sa media ng PET Adhoc committee na pinamumunuan ni Supreme Court en banc Clerk of Court Atty. Edgar Aricheta ang SC-Court of Appeals gymnasium na pagsasagawaan ng recount.
Ayon kay PET Adhoc committee member Atty. Ma. Carina Cunanan, inumpisahan ang pag-renovate sa gymnasium noong Agosto ng nakaraang taon at natapos lamang noong Pebrero.
Nasa loob na ng Revision hall ang nasa mahigit isang libong balota mula sa Camarines Sur na unang bibilangin.
Nakaayos na rin ang mga lamesa at mga suplay na gagamitin ng 40 revision committees na manu-manong magbibilang ng mga boto.
Ipinaliwanag ni Adhoc committee member Atty. Jose Lemuel Arenas na ang bawat revision committee ay may tatlong miyembro na binubuo ng Head Revisor, Protestant’s revisor at Protestee’s revisor.
Magsisimula aniya ang revision proceedings ng 8:00 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali at itutuloy ng 1:00 ng hapon hanggang 4:30 ng hapon, ng Lunes hanggang Biyernes maliban sa holiday.
Samantala, tiniyak ng PET na magiging mahigpit ang seguridad sa loob ng Revision hall at sa paligid ng Supreme Court.
Ayon kay Atty. Cunanan, nasa 100 security personnel ang magbabantay sa buong Korte Suprema kung saan ang ilan dito ay magmumula sa PNP.
Mayroon anyang limang security na magbabantay sa mismong pagsasagawaan ng manual recount bukod pa sa mga CCTV sa loob ng gymnasium.
May mga CCTV din anya sa parking ng SC -CA multi-purpose building na pinaglagyan ng iba pang mga balota.
Plano rin ng PET na dagdagan pa ang mga security personnel.
Sinabi ng Adhoc committee na sarado sa media ang recount at hindi rin maaring magdala ng cellphone o gadget sa loob ng revision hall.
Kabuuang 5,418 na balota mula sa tatlong pilot provinces ng Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental ang isasalang sa recount.
Ulat ni Moira Encina