Peter Advincula alyas Bikoy, ipinapaaresto ng korte sa Maynila
Ipinagutos ng Manila Metropolitan Trial Court na arestuhin si Peter Joemel Advincula alyas Bikoy.
Ang kautusan ay inilabas ni Branch 17 Presiding Judge Karla Funtila-Abungan matapos na hindi humarap si Advincula sa arraignment o pagbasa ng sakdal sa kasong perjury laban dito sa kabila ng mga abiso ng hukuman.
Batay pa sa kautusan ng judge, dinoble rin ang piyansa na dapat na ilagak ni Advincula para sa pansamantala nitong kalayaan.
Itinakda naman ng korte pansamantala sa August 26 ang arraignment at preliminary conference sa kaso.
Sinabi rin ng hukom na asawa niya ang investigating prosecutor sa estafa case laban kay Advincula na inihain sa DOJ.
Ang kasong perjury laban kay Advincula ay isinampa ng mga abogado mula sa Free Legal Assistance Group o FLAG na sina Jose Manuel Diokno, Erin Tañada, at Theodore Te na present sa pagdinig.
Nag-ugat ang kaso laban kay alyas Bikoy sa pag-sangkot nito sa mga abogado sa tinatawag na “Project Sodoma” o tangkang pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Si Advincula ang lalaki sa viral na “Ang Totoong Narcolist” videos na nagdadawit sa pamilya Duterte sa illegal drug trading.
Kalaunan ay binawi ni alyas Bikoy ang kanyang pahayag at inakusahan ang mga miyembro ng oposisyon na nasa likod ng ouster plot sa pangulo.
Moira Encina