Peter Go Lim, napilitang magpakita sa DOJ
Napilitan ding magpakita sa DOJ ang negosyante at sinasabing big time drug supplier na si Peter Go Lim.
Ito ay para personal na panumpaan ang kanyang kontra-salaysay sa reklamong inihain ng PNP – CIDG dahil sa sinasabing pakikipagsabwatan kay Kerwin Espinosa at iba pang personalidad sa illegal drug trading sa Visayas.
Una nang inatasan ni Assistant State Prosecutor Aristotle Reyes ang mga abogado ni Lim sa pagdinig nitong umaga ng huwebes na paharapin ang kanilang kliyente sa kanila bago matapos ang araw dahil kung hindi ay hindi nila tatanggapin ang counter -affidavit nito.
Naka-face mask at naka-sunglass si Lim nang humarap sa mga piskal na may hawak sa kaso.
Tumanggi naman sa panayam ng media ang Cebu businessman.
Iginiit ni Lim sa kanyang kontra salaysay na siya ay inosente at walang sapat na ebidensya para siya ay kasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Hindi rin daw siya si Peter Lim alyas Jaguar.
Tinangka pang pigilan ng abogado ni Lim ang media na i-cover ang pagtungo at panunumpa ng kliyente.
Ikinakatwiran nila na nangangamba si Lim sa kanyang buhay at seguridad kaya ayaw nitong humarap sa pagdinig ng DOJ panel.
Ulat ni: Moira Encina