Peter Joemel Advincula alyas Bikoy naghain ng aplikasyon sa Witness Protection Program sa DOJ
Ilang araw bago simulan ng Department of Justice (DOJ) ang pagdinig sa mga kaspng Inciting to Sedition laban kay Vice-President Leni Robredo at iba pang taga-oposisyon.
Pormal nang naghain ng aplikasyon para mapasailalim sa Witness Protection Program si Peter Joemel Advincula alyas Bikoy.
Ang aplikasyon ay inihain ng abugado ni Advincula na si Atty. Larry Gadon sa DOJ.
Ang salaysay ni Advincula ukol sa tinaguriang Project Sodoma ang ginamit ng PNP-CIDG sa mga reklamong isinampa sa DOJ laban sa mga miyembro ng oposisyon.
Ayon kay Gadon, marami natatanggap na banta sa buhay ang kaniyang kliyete dahil alam ng mga ito ang cellphone number at email ni Advincula.
Iginiit ni Gadon na delikado ang buhay ni Advincula dahil malalaki at maiimpluwensyang tao ang isinangkot nito.
Umaasa naman si Gadon na maaprubahan ng DOJ ang kahilingan nila na mailagay sa Witness Protection program ng DOJ si alyas Bikoy lalu na’t wala ito sa kustodiya ng pulisya.
Kabilang si Advincula sa mga kinasuhan ng CIDG sa DOJ.
Tiwala naman si Gadon na kwalipikado si Advincula na maging state witness dahil hindi ito ang most guilty sa kaso.
Itinakda sa August 9 ng DOJ Special Panel of Prosecutors ang unang pagdinig sa Sedition case.
Ayon sa kampo ni Bikoy, parte ng Project Sodoma ang serye ng “Ang Totoong Narcolist viceos” na nag-aakusa sa pamilya ng Pangulo na sangkot sa illegal drugs.
Ulat ni Moira Encina