Peter Lim, Kerwin Espinosa at iba pang respondents sa drug trading sa Visayas, ipina-subpoena ng panibagong DOJ Panel of Prosecutors na didinig sa kaso
Pinadalhan na ng subpoena ng panibagong DOJ panel of prosecutors sina Kerwin Espinosa, Peter Lim, Peter Co at ang iba pang respondents sa kaso ng drug trading sa Visayas.
Pinapadalo ng DOJ panel ang mga respondents sa preliminary investigation sa reklamong isinampa laban sa kanila ng PNP-CIDG.
Itinakda ng DOJ ang pagdinig sa April 12 sa ganap na 1:00 ng hapon.
Ayon sa Panel, layunin ng panibagong preliminary investigation na makapagsumite ang PNP-CIDG ng karagdagang ebidensya.
Ang subpoena ay may lagda nina Senior Assistant State Prosecutors Juan Pedro Navera at Anna Devanadera at Prosecution Attorney Herbert Abugan.
Ibinasura ng naunang DOJ panel ang kaso laban sa mga drug personalities dahil sa kakulangan ng ebidensya na umani ng mga pagbatikos.
Dahil dito ay iniutos ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang pagbuo ng panibagong panel para resolbahin ang kaso laban sa itinuturong big-time drug lords.
Ulat ni Moira Encina