Petisyon na iakyat sa Kamara ang isyu sa agawan teritoryo sa pagitan ng Taguig at Makati, pinalalagdaan umano sa ilang residente
Kumakalat ngayon sa ilang barangay sa Makati City ang petisyon na humihimok sa mga residente na lumagda sa isang petisyon na nanghihikayat na idulog ang usapin ng Makati-Taguig territorial dispute sa Kamara.
Sa isang pahinang petition letter, nakasaad na may kapangyarihan umano ang Mababang Kapulungan ng Kongreso na magtakda ng referendum o people’s initiative sa ilalim ng 1987 Constitution.
Layon ng petisyon na mangalap ng sapat na pirma para pakinggan ang petisyon ng mga mambabatas.
Wala namang nakalagay na pangalan kung sino ang nanguna sa nasabing petisyon sa halip ang nakalagay lang ay “Mamamayan ng Makati.”
Last recourse na umano ito dahil pinal na ang desisyon ng Korte Suprema na nagtatakda na ang 10 Embo barangay sa Makati kabilang ang Bonifacio Global City ay nasa hurisdiksyon ng Taguig City.
Sa isang pahayag sinabi naman ng Taguig LGU na ang signature drive na ito ay kabaligtaran sa sentimyento at natanggap na liham umano mula sa mga residente ng Makati na humihiling na bilisan na ang transition.
Madelyn Moratillo