Petisyon ng Ayala Land na sagutin ng insurance company ang pinsalang idinulot ng pagsabog sa Glorietta 2 noong 2007, ibinasura ng Korte Suprema
Ibinasura ng Supreme Court ang petisyon ng Ayala Land Incorporated na sagutin ng insurance company ang pinsalang idinulot ng pagsabog sa Glorietta 2 noong 2007.
Sa limang pahinang extended minute resolution, pinagtibay ng Supreme Court First Division ang desisyon ng Court of Appeals na kinakatigan naman ang ruling ng Makati City RTC Branch 65 na nagbasura sa reklamo ng Ayala Land para sa Specific Performance and Damages laban sa Standard Insurance.
Ayon sa Korte Suprema, sa ilalim ng Commercial “All Risks” Collective Policy o COMMAR Policy,
hindi maaring singilin ng Ayala ang Standard Insurance ng anomang danyos dahil ang nangyaring pagsabog sa Glorietta 2 ay dulot ng excluded risks.
Alinsunod sa polisiya, babayaran ng danyos ng Standard Insurance ang Ayala Land sa anomang biglaan o accidental physical destruction maliban kung ito ay sanhi ng excluded peril o risks gaya ng polusyon, giyera, pananakop, act of foreign enemy, hostilities o warlike operations, mutiny, at akto ng terorismo.
Sinabi ng SC na napatunayan ng insurer na ang pinsala sa Glorietta 2 ay sanhi ng excluded risk.
Binanggit ng SC ang resulta ng sariling imbestigasyo. ng Ayala Land na ang pagsabog ay dulot ng explosive device na isang act of terrorism na pasok sa excluded peril.
Batay naman sa pagsisiyasat ng Multi-Agency Task Force ang pagsabog ay dulot ng naiping methane gas at diesel vapor sa basement ng mall na pasok pa rin sa excluded peril dahil ito ay nasa kategoryang polusyon.
Sa pagbasura sa petisyon ng Ayala, ipinaliwanag pa ng Supreme Court na hindi na nito sinasagot ang factual issue at mas binigbigyang bigat at iginagalang ang desisyon ng RTC lalo na kung ito ay pinaboran ng CA.
Umaabot sa mahigit 220 million pesos ang hinihinging claim ng Ayala Land mula sa Standard Insurance.
Ulat ni Moira Encina