Petisyon ng OSG laban sa plea bargaining deal sa pagitan ng Ombudsman at retired AFP comptroller Carlos Garcia, ibinasura ng SC
Walang kontrol o kapangyarihan ang Office of the Solicitor General sa Office of the Ombudsman.
Ito ang binigyang-diin ng Supreme Court Third Division sa ruling nito na nagbabasura sa petisyon ng OSG laban sa plea bargaining agreement sa pagitan ng Ombudsman at ni retired AFP comptroller Carlos Garcia noong 2010.
Sa desisyon na isinulat ni Justice Marvic Leonen, sinabi na ang Ombudsman ay independent constitutional body kaya walang otoridad ang OSG na pagsabihan ito sa naging paghawak nito sa plea bargain deal.
Ito ay kahit pa sa paniwala ng OSG ay “grossly disadvantageous” sa gobyerno at publiko ang plea bargain deal na pinasok ng Office of the Special Prosecutor at ni Garcia.
Ayon pa sa SC, lumagpas na ang OSG sa hangganan ng otoridad nito sa paggiit na ikatawan nito ang gobyerno sa plunder case laban kay Garcia sa Sandiganbayan.
Iginiit ng Korte Suprema na hindi all-encompassing o plenary ang kapangyarihan ng OSG na katawanin ang pamahalaan sa lahat ng kaso.
Ipinaliwanag pa ng SC na ang Ombudsman ang may mandato na irepresent ang gobyerno sa mga proceedings sa Sandiganbayan.
Idinagdag din ng SC na ang pagtanggap sa plea bargain ay diskresyon ng prosecutor at ang approval nito ay diskresyon naman ng hukuman.
Sinabi pa sa desisyon na hindi rin umabuso ang Sandiganbayan sa pag-apruba sa kasunduan dahil nabigo ang prosekusyon na mapatunayan na guilty beyond reasonable doubt si Garcia sa kasong pandarambong at money laundering.
Kaugnay nito, inalis na ng SC Third Division ang TRO na pumipigil sa Sandiganbayan na ituloy ang criminal proceedings laban kay Garcia at sa implementasyon ng 2010 resolution na nagaapruba sa hiling na piyansa ng dating military comptroller.
Moira Encina