Petisyon ni Sen. de Lima sa Korte Suprema premature, ayon sa isang Mahistrado
Masyado pang premature o maaga ang petisyon ni Senadora Leila de Lima sa Korte Suprema na kumukwestyon sa pag-aresto sa kanya kaugnay sa kasong illegal drug trade na isinampa laban sa kanya.
Sa oral argument ng Korte Suprema sa petisyon ng Senadora, kinuwestyon ni Associate Justice Presbitero Velasco ang pagdulog agad sa kanila ng kampo ni de Lima gayong nakabinbin pa sa Muntinlupa RTC Branch 204 ang kanilang motion to quash.
Lumalabas anya na nais ng kampo ni de Lima na ma-bypass ng Supreme Court ang mababang hukuman.
Tila gusto rin anya ng Senadora na mapangunahan ng Korte Suprema ang magiging desisyon ni Judge Juanita Guerrero sa motion to quash.
Paliwanag pa ni Velasco, walang panuntunan na kailangan munang ikonsidera ng isang hukom ang mga argumentong inilahad sa motion to quash bago nito desisyunan ang probable cause at mag-isyu ng arrest order.
Mistulang nilektyuran naman ni Associate Justice Diosdado Peralta ang mga abogado ni de Lima sa mga legal remedy na dapat muna nitong ginawa bago idinulog sa Supreme Court ang kaso.
Ayon pa kay Peralta, baka nakalabag sa panuntunan ukol sa forum shopping ang Senadora dahil sa nagsampa ng ito ng parehong petisyon sa SC at sa Muntinlupa Court.
Ulat ni: Moira Encina