Petisyon para sa dagdag sahod ng government nurses isasalang sa oral argument ng SC
Nakatakdang talakayin ng Korte Suprema sa oral arguments mamayang alas-dos ng hapon ang petisyon ng Ang Nars Partylist kaugnay sa dagdag sa minimum na sahod ng mga government nurse.
Sa petisyon ng grupo na inihain noon pang 2015, hiniling nila sa Supreme Court na atasan ang gobyerno na ipatupad ang probisyon sa RA 9173 o Philippine Nursing Act of 2002 na nagtatakda sa minimum base pay ng mga government nurse sa Salary Grade 15 o mahigit 29 thousand pesos.
Nais rin ng Ang Nars Partylist na ideklara ng Supreme Court na walang bisa ang kautusan dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na sumasalungat sa nasabing probisyon ng RA 9173.
Sa ilalim ng Section 6 ng EO 811 ni Arroyo, iniutos na gawing Salary Grade 11 lang mula sa Salary Grade 10 ang sahod ng mga entry- level nurse.
Hiniling din ng grupo na pagtibayin ng Supreme Court ang legalidad ng Section 32 ng RA 9173 na nagtatakda sa minimum na sahod ng mga nars sa mga pampublikong pagamutan sa Salary Grade 15.
Respondents sa petisyon ang Executive Secretary, Department of Budget and Management at Department of Health.
Binigyan ng tig-20 minuto ang panig Ang Nars Partylist at ang Office of the Solicitor General na kumakatawan sa pamahalaan para maglatag ng argumento.
Ulat ni Moira Encina